Start With What Is in Your Hand

July 02, 20263 min read

"Hindi kakulangan ng pera ang dahilan ng maraming business failures. Kadalasan, maling panimula."

Bakit maraming negosyo ang nagsisimula nang puno ng pag-asa pero nagtatapos sa utang?

Isa sa mga malalim na ugat nito ay ang kultura natin sa pangungutang. Para bang normal na agad mangutang para makapagsimula. Kahit mataas ang interes, iniisip ng marami, "Basta makapagsimula lang."

Karaniwan, may dalawang klase ng entrepreneur.

Ang una, nangungutang agad bilang puhunan na walang pag aaral. Ang paniniwala niya, pera ang magpapatakbo ng negosyo. Kapag mas malaki ang kapital, mas malaki ang tsansa ng tagumpay.

Ang pangalawa naman ay gumagamit ng sariling ipon. Mas maingat siya, pero nakatingin na rin agad sa loan bilang backup. Kapag hindi naging maganda ang benta o kinapos sa pambayad ng expenses, uutang na lang.

Magkaiba ang simula nila, pero pareho ang iniisip: ang solusyon sa problema ay dagdag na pera. Pero ang totoong tanong ay hindi, "May pera ba?" Ang tanong ay, "Handa ka na ba?"

Maraming entrepreneur ang hindi muna nagda-due diligence. Hindi nila lubos na naiintindihan ang negosyo, ang customer, ang cash flow, ang operasyon, at ang kakayahan nilang mag-deliver ng value. Dahil may loan na pwedeng takbuhan, nababawasan ang pakiramdam ng pananagutan.

Unti-unting nagiging strategy ang "Bahala na."

"Baka suwertehin." "Kapag kulang ang pera, uutang na lang ulit."

Ang negosyo ay nagiging parang sugal, hindi isang disiplina. Sa halos apat na dekada kong pagtuturo at pagkonsulta sa mga negosyante, paulit-ulit kong nakita ang pattern na ito. Marami ang nalulubog sa utang hindi dahil kulang sila sa sipag, kundi dahil mas nauna ang paghahanap ng puhunan kaysa paghahanda ng sarili.

Ang masakit, kapag may perang madaling makuha, natatakpan nito ang mga kahinaang dapat sana ay inayos muna.

Hindi pera ang kulang.

Kulang ang pag-aaral.

Kulang ang pag-unawa sa customer.

Kulang ang tamang systems.

Kulang ang financial discipline.

At kung minsan, kulang ang pagpapakumbabang magsimula sa maliit.

Ang Sagot

May napakagandang tanong ang Diyos kay Moses. "What is that in your hand?" (Exodus 4:2)

Hindi Siya nagtanong kung ano ang wala kay Moses. Hindi Niya sinabi, "Maghanap ka muna ng investor." Hindi rin Niya sinabi, "Mangutang ka muna." Nagsimula ang Diyos sa kung ano ang mayroon na si Moses.

Ganoon din sa atin. Ano ang nasa kamay mo ngayon?

May skill ka ba?

May experience ka ba?

May tiwala ba ang mga tao sa iyo?

May maliit ka bang ipon?

May produkto o serbisyo ka bang kaya mong gawin nang mahusay?

Diyan ka magsimula. Ang tunay na entrepreneur ay hindi naghihintay ng malaking kapital. Natututo muna siyang gumawa ng malaking value gamit ang maliit na resources. Kapag napatunayan mo na ang kakayahan mong lumikha ng value, saka lamang magiging makabuluhan ang pagdagdag ng kapital.

Reflection

Ang pera ay hindi ang pundasyon ng negosyo.

Ang character, competence, customer understanding, at stewardship ang tunay na pundasyon. Ang kapital ay nagpapabilis lamang ng direksyon ng negosyo. Kung mali ang direksyon, mas mabilis ka ring mapapahamak.

Call to Action

Bago ka maghanap ng loan, tanungin mo muna ang sarili mo:

Naiintindihan ko ba talaga ang negosyong papasukin ko?

Kilala ko ba ang customer ko?

Napatunayan ko na bang may value akong kayang ibigay?

Kaya bang mabuhay ng negosyo kahit hindi muna ako mangutang?

Ano ang inilagay na ng Diyos sa kamay ko na maaari kong simulang gamitin ngayon?

Kasama ko ba ang Diyos dito?

Huwag magsimula sa kung ano ang wala ka.

Magsimula sa kung ano ang ipinagkatiwala na ng Diyos sa iyo. Kapag naging mabuti kang katiwala sa maliit, saka ka Niya pagkakatiwalaan ng mas malaki.

Start With What Is in Your Hand
"Hindi kakulangan ng pera ang dahilan ng maraming business failures. Kadalasan, maling panimula."
See You in Aug 8

Custom HTML/CSS/JavaScript
Back to Blog